Monday, December 19, 2005

Paggunita I

Ginugunita ko kayo ngayon. Kayong mga nakipagdalumat sa landas na tinatawag nating buhay. Kayong mga nakalimutan na at naaalala pa. Kayong mga ibinaon sa limot at hinuhukay sa alaala. Ginugunita ko kayo ngayon.

Sa mga kaibigang nananatiling bata sa aking isipan. Sa mga kalaro ko ng eskate noong grade one. Sa mga kasama ko sa cutting classes noon upang manguha ng bayabas o kaya maligo sa dalisay na ilog ng Kulaman. Sa mga kasama kong mangahoy noon sa mahiwagang Alalum na mundo ng makapangyarihang mga tagbaya sa aking isip. Sa mga kaibigang nakikita at hindi nakikita. Inaalala ko kayong lahat.

Sa mga naging kaklase ko noong elementary. Kayong mga nakasama ko sa paghahabulan sa mahoganihan. Kayong mga kasama kong nagbubunot ng mga amorseko sa tuwing umaga bago makapasok sa klasrum. Kayong mga kasama kong naglalaro sa ulanan. Kayong mga kasama ko sa pag-back-tumbling sa damuhan. Naaalala ko kayo ngayon.

Sa mga kasama kong manglaraw ng mais sa San Vicente. Sa mga katropa kong mangag-ag ng humay sa lahat na humayan sa Kisolon. Ginugunita ko kayong lahat. Ginugunita ko ang mainit na araw na nagbigay ng kulay kape noon )(hanggang ngayon) sa ating mga balat. Ginugunita ko ang pagpasan ng saku-sakong mais, ng saku-sakong palay na hindi man lang sumayad sa taing mga sikmura.

Sa mga nakasama sa pagtuklas sa kalikasan. Kayong mga nakasama ko sa paliligo sa ilog Tagoloan. Kayong mga kasama ko sa pagahhanap buwaya upang tuklasin kong totoong kayang lagariin ang ngipin nila at gawing anting-anting. Kayong mga kasama ko sa pagbaklay papunta sa San Juan at Intavas. Naaalala ko kayo.

Naaalala ko kayo. Kayong mga nakasama ko sa tanom ng palay sa marami nang basakan. Naaalala ko ang mga mukha nating nadudungisan noon ng putik na singkulay din ng ating balat. Naaalala ko ang maghapon nating pagyuko-pagtayo at paatras na paghakbang upang maging maayos ang tanom. Naaalala ko ang mga kwentuhan natin habang masayang kumakain ng tanghalian. Nagkakamay tayong lahat na kumakain. Ang mg kamay natin na lumubog-lumitaw sa putik ay siya ring mga kamay na gamit natin sa pagkain. Ngunit hindi natin alintana iyon. Konting hugas lang ang katapat kahit walang sabon.

Kayong mga kasama ko sa trabaho noon pagkagradweyt ko ng elementary. Kayong mga kasama ko sa pagtatanim ng tubo sa tubuhan ni Branya. Kayong mga kasama ko sa pagtatapas ng tubo sa tubuhan pa rin ni Branya. Kayong mga mabibilis gumamit ng espading. Kayong Malalaks maghakot ng mabibigat na bangan-bangan na tubo paakyat sa trak at dumadaan sa madulas na damyo. Kayong kasama ko sa ilalim na init at ulan. Kayong mga kasama ko sa pagtatanim at pag-aani ng kamatis ng BRCI. Kayong mga kasama ko sa pagbasok sa halos lahat na kamaisan sa buong Sumilaw. Kayong mga sanay sa pagwasiwas ng lampasiyaw at bihasa sa sining ng paggamit ng pitiay. Ginugunita ko kayong lahat.

Sa mga kaklase ko noong haiskul. Sa mga kasama kong iskul-bukol. Sa mga katropa kong amdalas umupo sa likod upang madaling masilipan ang mga student teacher. Sa mga kasama kong nagpupuslit ng gin na nakalgay sa plastic at hinaluan ng softdrinks at iniinom gamit ang straw. Sa mga kasama kong nagpapahiram ng mga porn magazione na ninakaw sa kanilang mga tiyuhin. Sa mga kasama kong nag-eksperimento ng bagong laro na parang golf pero nilalaro na parang hockey. Sa mga teacher ko na kainuman din minsan. Sa mga kakilalang umampon sa akin sa mga panahong wala akong matuluyan. Sa mga pamilyang kumupkop sa akin sa buong panahong pinagtiyagaan ko ang haiskul. Sa mababait (at masusungit) na anging amo sa trabaho upang magkaroon ng pambaon. Ginugunita ko kayong lahat.

Kahit kayong mga kasama ko noon sa lumpenic na mga gawain. Kayong mga adik-adik ng Calanawan. Kayong mga palahubog ng San Miguel. Kayong mga buguy-bugoy ng Tangkulan. Naaalala ko ang ating mga kalokohan.

Kayong mga nakasama ko sa paliligo sa magandang ilog ng Mangima. Kayong mga kasama ko sa paggala sa Sankanan, sa Camp 1, sa Dahilayan, SantoNinyo, Diklum, DAlirig, Kilabong, Vista Villa, Maluko, at iba pang baranggay na hindi ko na matandaan. Kayong mga nakasama sa paggala sa MAlaybalay, San FErnando, Musuan, Valencia, Salawagan, Talakag, Libona, Malitbog, Lantapan, Impasug-ong, Cagayan de ORo, Iligan, Pagadian at sa ibang lugar na hindi ko na maalala ang mga pangalan.

Sa mga nakasama college. Sa mga katulad kong mahilig sa kape. Sa mga katulad kong mahilig umakyat sa bubong ng isang building. Sa mga katulad kong mahilig tumambay sa park. Sa mga tulad kong naadik sa ghost fighter. Sa mga tulad kong nangarap maging supersaiyan. Ginugunita ko kayong lahat. Sa mga kaibigang nawala at pumanaw. KAyong mas matatapang kaysa akin. kAyong minsang nagpakain sa panahon ng aking kagutuman. Kayong nagreregalo ng fresh milk. Kayong nanglilibre ng pancit cnaton. Kayong nanglilibre ng kape. KAyong nagbibigay ng mga raket na pagkakitaan. Kayong madalas makahuntahan sa kahit anong bagay. Naaalala ko kayong lahat.

Kayong mga walang mukha at walang pangalan sa aking alaala. Kayong mga hindi ko aam kong saang lupalop nanggaling. Kayong mga nakasama sa barko papuntang Mindanao at pabalik sa Maynila. Kayong mga nakatabi bus na byaheng Baguio. KAyong nakatabi sa jeep papuntang Quiapo. Naaalala ko na wala kayong mga mukha. Kayong mga walang probinsya. KAyong mga walang lugar. KAyong mga sa mata lang nakikilala. KAyong mga minsang nakasama sa pagkain sa fastfood. Naaalala ko kayo kahit hindi ko kayo naaalala.

Kayong mga kaibigan. Mga kaibigang tunay. Mga kaibigang hindi tunay. Mga kaibigang totoong kaibigan. Mga kaibigang hindi totoong kaibigan. Kayong mga kaibigan sa isip sa salita at gawa. Kayong mga kaibigan lang sa salita. KAyong mga kaibigan na hindi ko kaibigan. Kayong mga kaibigan na hindi ko alam na aking kaibigan. Kayong lahat. Naaalala ko kayo kahit marami sa inyo ay hindi ko naaalala.

Kayong mga konduktor na bus na tinatawag akong 'pare'. Kayong mga drayber ng jeep na nagbabahagi ng kahirapang kumita ng pang-boundary. Kayong mga drayber na nagkukwento at nagkukwenta ng kahirapang magpaaral ng mga anak. Naaalala ko kayo kahit hindi ko kayo naaalala.

Kayong mga nagmahal sa akin (salamat). Kayong mga minahal ko. KAyong mga minahal ko nang minsan. KAyong mga mahal ko hanggang ngayon. Kayong mga hindi ko na mahal ngayon. Kayong mga hindi na nagmamahal sa akin ngayon. Naaalala ko pa rin kayo kahit marami sa inyo ang hindi ko na rin naaalala.

Ginugunita ko kayong lahat ngayon. Kayong mga namayapa at patuloy na nabubuhay. Kayong mga buhay lamang sa alaala. Kayong mga laging nakangiti sa alaala. Kayong laging nakasimangot sa alaala. Kayong lahat naaalala ko kahit hindi ko naaalala.

Ginugunita ko kayong lahat sapagkat marami na nagbago. MAraming bagay ang nagbago. Maraming bagay ang nagbabago. Ang lahat na bagay ay nagbabago. At sa mga pagbabago, marmaing bagay ang nagiging alaala na lamang. Ayaw ko sanang makalimot subalit sadyang marupok ang isip. Mabuti na lamang may alaala. Para maalala ko kayo kahit hindi ko na naaalala ang marami sa inyo.

Ginugunita ko kayong lahat dahil lahat kayo ay naging bahagi, nakibahagi, binahaginan ko ng kapiraso ng aking ako. Ginugunita ko ang mga pirasong iyon, sapagkat ngayon, ang buong ako ay ibinahagi ko na nang buong-buo sa pinakamagandang babae sa aking mundo.

8 Comments:

At 5:03 AM, Blogger vlad said...

andaming ginugunita! true love!

 
At 2:48 PM, Blogger itid said...

hehehe. true love na nga 'to!

 
At 3:57 AM, Anonymous Anonymous said...

nice blog...na refresh ako memory da about bukidnon..

 
At 3:59 AM, Anonymous Anonymous said...

ningbalik jud sa akong memory ang mga lawom nga binisaya da,kahinumdom man lang sad ko sa akng mga kagahapon.
Tokneneng_x

 
At 8:28 PM, Anonymous Anonymous said...

bat di mo pa pinopost tula ko sayo? hmp! miss you bebe..patch

 
At 4:01 PM, Anonymous Anonymous said...

Very nice site! » » »

 
At 12:13 PM, Blogger Shaninay said...

nakakatuwa naman :)

 
At 1:52 PM, Blogger grace said...

yan ang toto-ong pag gunita ng sariling atin.nice site.keep going,God Bless.

 

Post a Comment

<< Home