Saturday, July 16, 2005

Kontradiksyon

Susubukan ko naman ngayong magbahagi ng mga naiisip ko sa kasalukuyang "kaguluhan" sa ating bansa. Maaring simplistiko itong aking mga pagsusuri para sa iba, pero talaga namang dapat pasimplehin natin ang komplikadong mga bagay para maintindihan natin ito.

Kapag negatibo ang pananaw natin sa kasalukuyang "kaguluhan" sa ating bansa, tiyak malulula tayo. Lalo pa kung iisipin natin na masyadong komplikado ang mga bagay na ito. Na mahirap itong unawain. Na wala tayong magagawa. Na wala nang pag-asa sa bahaging ito ng mundo.

Iwasan man nating isipin ang mga nangyayari sa ating bansa, hindi natin ito maiiwasan. Maaalala mo iyan kapag nagbayad ka sa dyip dahil maiisip mo na 7.50 na nga pala ang minimum fare. Ang 1.5 na coke ay 33 na pala sa mga retail store. Ang siomai na last year lang ay sampung piso ang isang serving (na apat na piraso), ay 11 piso na ngayon ang isang serving (na tatlong piraso na lang). At ang lahat pang mga bilihin ay tumaas na rin ang presyo. Baka nga marami na sa atin ang binabangungot sa gabi dahil ang mga pinagkakauutangan ay naniningil na kahit sa panaginip.

At ang linsyak na pamatay sa lahat, "hindi nagtataas ng sahod!".

Kaya nga kapag nangyayari ang mga "kaguluhang" katulad ngayon, iskor lagi ng bukol sa ating isip. At butas-butas ang ating mga bulsa.

Pero hindi dapat maging negatibo o pessimistic sa ganitong panahon. Ibig lamang sabihin ng mga "kaguluhang" ito, tumitindi ang mga kontradiksyong naghahanap ng sukdulan upang makapagluwal ng bagong balanse ng kapangyarihan. Maaaring iba-iba ang ating pagtingin kung anu-ano ang mga kontradiksyong ito. Madalas, mag-iiba tayo ng pananaw depende sa kung anong "political persuasion" ang meron tayo. Mayroon pa siguro tayong maiisip na mga undercurrents sa mga kontradiksyong pinaniniwalaan nating nangyayari sa kasalukuyang yugto ng ating kasaysayan.

Nakikita kong sa panahon natin ngayon ay tumitindi ang kontradiksyon sa pagitan ng dalawang pinakamalalakas na puwersa sa ating lipunan. Una, ang estado (na hawak ng naghaharing-uri ayon sa Marxistang pagsusuri) na kumakatawan sa status quo at lumang sistema. Pangalawa, ang kilusang nais pabagsakin ang estado na kumakatawan sa bagong sistema na nais nitong ipalit sa status quo (sa kaso ng Pilipinas, ang PKP). Itong dalawang pwersa lamang ang kinokonsidera kong mayor na kontradiksyon sapagkat kahit mismo ang estado-poder ay aminado na ang pinakamalaking banta sa kanya ay ang kilusang nais magpabagsak sa kanya - ang PKP.

Kahit hawak ng estado (sa ngayon) ang pinakamalakas na puwersa (dahil sa AFP at PNP), humihina ito dahil sa pagkakawatak-watak ng mga naghaharing-uri na nakaluklok sa estado-poder. Kaya nagkakaroon sila ng mga paksyon ( paksyon sa administrasyon at oposisyon).

Sa kabilang banda, ang kilusang nagsusulong upang ibagsak ang estado, nagkokonsolida ng kanyang kapangyarihan habang nagkakagulo ang mga may hawak ng estado-poder. Kaya nakikinabang ito ng husto sa pagkakawatak-watak ng mga naghaharing-uri sa estado-poder. Nabibigyan ito ng panahong makapagpalawak at makapagpalakas habang naghahanda sa panahong harap-harapan nitong aagawain ang estado-poder mula sa mga naghaharing-uring nakaluklok ngayon sa kapangyarihan.

Sa unang hati nitong taon, kapansin-pansin ang pagdalas ng mga armadong komprontasyon sa pagitan ng AFP-PNP laban sa NPA na siyang armadong kamay ng PKP. Ipinagmamalaki din ng PKP na halos humigit-kumulang na sa 130 na ang kanilang larangang gerilya sa buong bansa. Kaya malamang madadagdagan pa ito, lalo na ngayong nababalaho sa sariling "kaguluhan" ang estado-poder at hindi ito nakakapagpalakas.

Para makausad ang ating bansa sa kasalukuyan nitong pagkabalaho (sa lahat na aspekto, pampulitika, pang-ekonomiya, pangkultura atbp), kailangang magkaroon ng wakas ang kontradiksyon ng dalawang nagbabanggaang puwersa. Kailangang magkaroon ng resolusyon. Kailangang tuluyang magapi ang alinman sa dalawa upang makausad ang ating bansa. Kaya nararapat lamang na maganap ang sukdulan ng kanilang paghaharap.

Ngunit sa huli, nasa mamamayan ang bola. Nasa kanila kung saang panig sila kakampi. Sa estado-poder ba (hindi na usapin kung oposisyon o administrasyon dahil sa esensya ay pareho lamang silang nais masolo ang estado-poder), o kaya naman sa kilusang nais pabagsakin ito? Nasa paglahok ng mamamayan ang bola upang mapabilis ang sukdulan ng paghaharap ng dalawang panig. Kapag nanatiling pasibo ang mamamayan, magtatagal ang ganitong kalagayan na lalo namang magdudulot ng hirap sa mamamayan.

Sa ganitong kalagayan, maoobliga dapat ang bawat isa sa atin na pumili kung saan papanig at lalahok. Ito lamang ang paraan upang makaigpaw ang bansa natin sa pagkabalaho sa lahat na aspekto. Kapag hindi natin ito ginawa, para na ring kinondena natin ang ating mga sambayanan sa "hundreds of years of solitudes". At ito ang matindi, ayon nga kay Gabriel Garcia Marquez, "races condemned to oned hundred years of solitudes does not have second opportunity on earth".

1 Comments:

At 9:44 PM, Anonymous Anonymous said...

sabi mo nga, nasa mamamayan ang bola. Pero ang mamamayan ay hindi lang isang elemento ng lipunan na pipili ng papanigan o manonood ng sagupaan. Aktibo ang pakikilahok ng mamamayan sa paggawa ng resolusyon.

Sa kontradiksyon, maaring tingnan kung bakit nasa "estado poder" ang naghaharing uri at kung bakit nabuo ang prinsipyong tumatag ng PKP.

Ika nga ng Tambisan, may "tunggalian ng uri sa pulitika...ekonomiya, kultura at sa larangang militar". Sa maliliit na konteksto, makukuha ang sagot.

----
kung medyo magulo, just tag on my page... Thanks!

 

Post a Comment

<< Home