Translation (Dahon nga Laya)
Approximately ay ito ang translation. Approximately dahil naniniwala akong "poetry is what's lost in translation". Kahit ang pamagat mismo ay hindi ko isinalin sapagkat kapag isinalin ito na "Tuyong Dahon" ay nawawala ang harayang daladala ng "Dahon Nga Laya". Lalo pa sapagkat ang konsepto ng "Dahon nga Laya" ay may nakaimbak nang haraya sa "psyche" ng mga gumagamit ng wikang bisaya (cebuano ang tawag dito ng mga nasa akademya). May mga salitang hindi ko pinalitan dahil wala pa akong nakikitang angkop na katumbas.
Dahon nga laya
Sa kanyang paghimlay sa sinapupunan ng lupa,
Binuhay sa alaala yaong matamis na kahapon.
Pagkat ang kanyang buhay,
ay ang buhay na sugilanon
Ng marahang pag-usbong,
Ng paglago at pagyabong,
Ng luntiang pamamahayag,
Sa makatwirang batas,
Ng kalikasang,
- ina nating lahat.
Oo, lumutang sa kanyang balintataw,
Ang tamis ng ulan,
Ang ganda ng araw,
At ang rilag ng buwan,
Kasama ang mga bituin
sa maliwanag na gabi.
Oo, nagbalik sa kanyang alaala,
Ang pait ng pagtitiis,
Ang sakit ng mga kabiguan,
Ang pagsalunga ng mga unos,
Ang pagluha ng maiitim na ulap
At pagluluksa sa gitna ng karimlan.
Oo, binuhay niya yaong mga panid ng buntung-hininga
Kasama ang pagsikat at paglubog,
Ang pagpabilin at paglisan,
Ang kamingaw at pagkahingop,
Habang nahinuklog sa pagmumuni-muni,
Sa bawat saglit na pakikitalad,
Ng nagpupumiglas na mga damdamin
- ng makabuluhang buhay.
Ngunit hanggang baliktanaw na lamang siya,
Hanggang pagdaing na lamang at buntunghininga,
Sapagkat ganap na ang kanyang sugilanon,
Tanda na lahat tayo ay may kamatayan.
Ganunpaman, hindi nawawalan ng pag-asa
Pagkat ang kanyang pagkalaya ay siyang simula
Ng bagong dahong,
Magpapatuloy sa pangarap na bukas.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home