saksak sinagol
Minsan hindi na kailangan ang mga salita upang ihayag ang iyong mga saloobin. Kahit sa galaw lamang ng mata o kaya sa kumpas ng kamay maari nang magpahayag.
Minsan napakaraming bagay ang nais mong sabihin at ibahagi sa iba. At sa kahulihulihan, wala kang nasasabing kahit isa. Bigo ang dakila mong pagtatangka.
Madalas abala ka sa pag-iisip kung paano maabot ang iyong mga pangarap. Madalas din na nauuwi ka sa pagtungayaw dahil sa bahaging ito ng mundo bangungot ang nasa dulo. Hindi ka matunawan at napapabuntung-hininga na lamang.
Madalas mong mapuna ang kawalang-buhay ng paulit-ulit mong pagparoo't parito sa trabaho. Paulit-ulit ang pagsakay-baba, pag-akyat-panaog, pagkain, pag-inom, paggising, pagtulog. Paulit-ulit na tila tema ng mga telenobela, pantasya nobela, tsinobela, Koreanobela o ano pang mga serye ng palabas sa telebisyon na pare-pareho ang kwento o di kaya nama'y mga sinalaulang ideya mula sa kung saan-saang lupalop nang mundo at paulit-ulit na ipinagduduldulan sa iyo.
Minsan naiisip mong mas mabuting maupo sa ilalim ng puno kaysa maglagari sa mausok at maalikabok na lansangang madalas mong isinasaksak sa iyong baga. Madalas mong naiisip ang probinsya. Ngunit mauuwi ka sa pagtitiis dahil tinatamad ka namang magbungkal ng lupa at magtanim ng kamote.
Ilan lamang ang mga ito sa mga bagay na umiinog at nagsasalpukan sa iyong isip. Na kapag nagsabaysabay, mas pipiliin mong maupo sa isang tabi. At hahayaan mong lamunin ng katahimikan ang lahat.
At sa gitna ng katahimikan, magtataka ka. Magtataka sa patak ng tubig na iyong naririnig. Paulit-ulit. Walang katapusan.