Saturday, August 02, 2008

Ihip ng Hangin

Pabagu-bago ang ihip ng hangin. Ngunit madalas mayroon itong nakagawiang ruta. Kaya kapagka biglang nag-iiba ang ihip ng hangin at hindi ito sumusunod sa nakagawiang ruta, nagkakaroon ng ipu-ipo.

Naalala ko noong misnang makipagtitigan ako nang mata sa mata sa isang malakas na ipu-ipo. Iyon ay nangyari sa gitna ng isang bagong ararong bukid na katatapos lamang pinag-anihan ng mais. Nangyari ito mga labingwalong taon na ang nakalilipas.

Parang may hindi nakikitang higanteng kamay na nagpapaikot noon sa hangin. Ramdam na ramdam ko ang kakaibang paglakas ng hangin. Kitang-kita ko ang paghugis ng ipu-ipo sa gitna ng araruhan. Mabilis ito lumaki at tila tumatakbo nang mabilis sa hindi depenidong direksyon. Hanggang sa ito'y malapit na sa kinaroroonan ko.

Parang huminto ang pag-ikot nang mundo noon. TIla kandila akong napagkit sa kinatatayuan. Ramdam ko ang pagtindig ng maliliit na balahibo sa aking batok. At ang ipu-ipo ay tila huminto at nakikipag-usap sa akin. Ngunit paano ko kakausapin ang isang nagngangalit na elementong kumakanaw sa alikabok at patay na mga tangkay ng mais?

Labingwalong taon na ang nakalilipas. At ngayon, nakita kong muli ang ipu-ipo. Ngunit sa panaginip na lamang. Nakapagtataka, sapagkat sa aking panaginip ako ang ipu-ipo. Sapagkat nakita kong gumalaw ang aking mga kamay. Mabilis ang paggalaw ng aking mga kamay at kinanaw ang lupa't nagsaalikabok ito. Nagliparan ang mga tuyong tangkay ng mais. Nagliparan ang mga dahon. Nagliparan ang maliliit na mga sanga. Pabilis nang pabilis ang pag-ikot ng ipu-ipo. Sa gitna noon ay naroon ako. At sa labas ng ipu-ipo, nakita ko ang isang batang babae na nakikipagtitigan sa akin.

2 Comments:

At 4:33 PM, Blogger Admin said...

hi.. nangita ko ug bisaya bloggers for exlinks.. pwede ta ex links..laag nya sa akoa blog ha..
daghang salamat..
Tickle Thy Thoughts

 
At 9:38 PM, Anonymous Anonymous said...

matalinghaga, malalim, mahirap arukin. katangian ng isang katangitanging manunulat. bilang isang BatangueƱo ako ay talgang pinahanga mo. isa kang insprirasyon maramaing salamat.

 

Post a Comment

<< Home