Friday, December 22, 2006

Ang Manlalakbay

Anak siya ng kanyang panahong sa hinaharap pa lamang magaganap. Ngunit hindi niya alintana iyon sapagkat hindi pa man nagaganap ang kanyang panahon, ang lahat ay naganap na. O sa kanyang pakiwari, ang lahat ay ganap na. Noong una, inuokupa ang kanyang isip hinggil sa mga batayang katanungan ng pag-iral. Ano nga ba ang buhay? Ano ang dahilan ng buhay? Ano ang kahulugan ng buhay? Ano ang kahulugan ng mga kahulugan?

Ngunit natuklasan niyang ang kasagutan sa mga tanong na iyon ay nakasulat na kahit sa kaliitliitang piraso ng alikabok. Nakasulat na ang lahat sa kasaysayan ng mga bituin na mula pa noong una ay sinikap nang intindihin ng tao amgmula nang matutunan niyang basahin ang tala ng kalawakan.

Isang siyang manlalakbay. Isang manlalakbay ng panahon. Ilang milenyo na rin ang kanyang binagtas. Ilang kapanahunan na rin ang kanyang tinawid. Bumabalik-balik sa iba't ibang mukha. Sa iba't ibang panahon. Sa iba't ibang lugar. Sa iba't ibang sinapupunan. Isang dakilang manlalakbay.

Isang umaga. Isang manlalakbay. Isang pangyayari. Sinong makapagsasabing siya ang ipinanganak ilang libong taon na ang nakalipas? Na siya ang unang uminom sa katubigan ng Lanao? Na siya ang unang lumangoy sa malaking ilog ng Pulangi? Na siya ang unang nagtanim ng palay sa Lalawigang Bulubundukin? Na siya rin ang nagtayo ng mga lungsod sa kabihasnan ng Sumer? Na siya rin ang unang natutong gumamit ng apoy? Na siya rin ang wawasak sa inabot nating sibilisasyon sa hinaharap?

Sinong makapagsasabing ang napakaraming siya ay iisa lamang? Na ang iba't ibang mukha ay iisang mukha lamang? Na ang iba't ibang kulay ay iisang kulay lamang?

Nakita ko siya kagabi. Nakahiga sa damuhan. Binabasa ang mga bituin. Sapagkat ilang siglo ring siya ay hahalo sa lupa, sa hangin, sa tubig at apoy. Ngunit ano kaya ang kanyang gagawin ngayon sa ating kapanahunan?

Anak siya ng kanyang panahon. Isang manlalakbay. Dakilang manlalakbay. Isang umaga. Hinabol niya ang mga paru-paro. Hinabol niya ang mga tutubi. Napakagaan ng kanyang mga hakbang. Tila lumulutang. Nanguha siya ng ligaw na bulaklak sa pastulan. Naligo siya sa malamig na tubig ng sapa. Nakipaghabulan siya sa hangin. Bakas sa kanyang mukha ang kasiyahan.

Tuesday, December 05, 2006

Katahimikan

Katahimikan. Sa katahimikan ang lahat na bagay ay nagsasalita nang walang salita. Sa katahimikan ang lahat na lihim ay nabubunyag nang walang pagbubunyag. Sa katahimikan ang lahat na tinatago ay nagpapakita nang kusa.

Katahimikan. Ngunit hindi lahat ay nakakatagpo nang katahimikan. At halos karamihan sa atin ay naghahanap nito. Marahil dulot nang maraming ingay na dumarating sa ating buhay. Mga pisikal na ingay sa paligid. Mga ingay ng bagong teknolohiya. Mga ingay ng mga isyung pampulitika. Mga ingay ng kawalang-katarungan sa ating lipunan. Mga ingay ng puso. Mga ingay ng isip.

Katahimikan. Madalas nating iniuugnay ang katahimikan sa pagiging payapa ng paligid. Ngunit para sa iba, ang katahimikan ay kaulayaw ng ligalig at pangamba. Sapagkat ilan na nga ba silang bigla na lamang naglaho at hanggang ngayon ay hindi pa nakikita? Ilan na nga ba silang dahil ayaw manahimik ay pinatahimik ng bala, tortyur at mga banta?

Katahimikan. Ang lahat ay nabubunyag sa katahimikan. Kahit ang nananahimik ay alam ang mga lihim ng mga ingay. At silang maiingay ay alam ang mga lihim ng pananahimik. Iba't ibang pananaw. Kanya-kanyang paninindigan.

Katahimikan. Sa katahimikan nakakausap natin ang ating mga sarili. Sa katahimikan nakakausap natin ang ating isip. Sa katahimikan nakakausap natin ang ating puso. Sa katahimikan ang lahat na ingay ay naglalaho. Sa katahimikan ang pananahimik ay nagkakaroon ng tinig.