Sampung Alamat ng Pagkahubog
Masarap ang pakiramdam ngayong natapos ko na ang aking "Sampung Alamat ng Pagkahubog". Ito ay mga sanaysay na nagsusuma sa maagang yugto ng aking pagkamulat sa mundo. Mga salaysay na sana ay makapagbibigay ng inspirasyon sa mga tulad kong hanggang ngayon ay naghahanap sa pirapirasong mga alaala na siya lamang natitira sa hindi naitalang kasaysayan ng aking lahi.
Masarap ang pakiramdam sapagkat masarap magpanday ng mga salaysay sa gitna ng katahimikang buhay na buhay. Katahimikang ibinubulong ng hangin at ipinagsisigawan ng mga kuliglig. Katahimikang hanggang ngayon ay umaalingawngaw sa aking puso.
Masarap ang pakiramdam sapagkat ang malinggal na sapa sa tag-araw ay naghahatid ng maraming gunita. Mga gunitang minana pa sa libu-libo nang nauna sa akin. Mga gunitang ngayon ay nagbanyuhay na sa mga epiko at mga alamat. Mga gunita mula sa mga antuka at limbay na nagbanyuhay na sa pagiging alamat. Mga gunitang susubukan kong buhayin sa sampung alamat ng aking pagkahubog.
" Nagsimula ang lahat sa alamat. May alamat ang bawat bagay sa mundo. Mga bagay na nabubuhay at hindi nabubuhay (o inaakala nating walang buhay). Maaaring mabuhay ang lahat sa alamat..."
Abangan!
TSJ