Sunday, March 12, 2006

Paglipas ng mga araw, buwan, bituin, ulan, hangin atbp

Hinga. Malalim na paghinga. Hiningang hinuhugot sa kaibuturan. Sa kadulu-duluhan ng mga ugat. Sa kaliitliitang mga selula't kaliitliitang bahagi ng mga selula. Kahit hanggang sa kaliitliitang quantum particles na tanging sa drowing lamang makikita ng mga ordinaryong paningin.

Iyon ang pinakamahabang paghingang naitala sa kasaysayan ng blog na ito.

Hingang muli. Dahan-dahan. Tuluy-tuloy.

***

Maraming nangyari. Sa pag-orbit ng buwan sa mundo, nagkagulo. Marami ang nagsabing magulo at malabo. Ngunit para sa mga gumagapang sa ilalim ng lupa, malinaw ang lahat. Sapagkat sa bawat pagyanig, sumasabay lamang sila habang ang mga naglalakad sa ibabaw ng lupa ay nangangambang matimbuwang at sumirko.

Maraming nangyayari. Sa bawat pagkagat ng dilim, naghahalo ang iba't ibang kulay. Sapagkat ang puting lagim ay kaaway ng lahat. Sa bawat pagsapit ng liwanag, may konsiyerto ang mga kulay. Sapagkat ang puting lagim ay berdugong kaaway ng lahat. Tuloy-tuloy ang gyera ng mga kulay. Sino ang mas maalam sa Art of Coloring? Ah, silang mga nakakayanang uriin ang mga kulay kahit sa liwanag man o dilim. Silang mga alam paano magkulay nakamulat man o nakapikit. Silang mga nakaaalam sa tunay nilang kulay. Oo, ito ay gyera ng mga kulay. At sinumang lalagay sa abuhing tipo ay tiyak na matatalo.

Marami pang mangyayari. Iilang pagyanig pa lamang. Tiyak may mga kasunod pa. Sapagkat hindi pa natatapos ang labanan ng mga kulay. Patuloy na nagbabago ang alyansa ng magkatunggaling panig. Marami ang nagtataka kung bakit tila tahimik ang karamihan sa manonood. Wala kaya silang interes na makipagtagisan sa pagkukulay? O naghihintay sila na may kulay na lilitaw?

Matagal pa siguro pa siguro bago mabuo ang obra maestrang kagigiliwan ng nakararami. Subalit sadyang hindi madaling gawin ang isang obra maestra. Hindi kailangang magmadali. Mas kailangang tiyak ang bawat hagod.

***

Hindi ko alam kung alam mo ang pinagsasabi ko. Wag mo na lang pansinin. Puyat lang siguro ako. Napasarap lang ang surfing dahil masayang matuklasan ang iba pang biyaya ng internet. Pag nagkita tayo, tanungin mo na lang ako.

***

Masyadong komplikado kapag inisip ang lahat na problema ng mundo. Kaya wag kang mag-isip ng problema. Mag-isip ka ng solusyon.

***

Masarap magpalakas ng nen. Lalo na kung alam mong paglipas ng ilang ulan ay mas malakas ka na kaysa kay Kurapika. Na kayang-kaya mo nang pag-umpugin ang mga balck spider.

***

Kapag naramdaman mo ang lakas ng mga bato, lalakas rin. Kapag naramdaman mo ang kanilang paggalaw, mas lalakas ka pa. Kapag naramdaman mo ang kanilang paghinga, mararating mo ang pinakamalakas mong anyo.

***

Naisip ko na 'to dati, naisip ko uli. Di ko alam kung may nauna nang nagsulat tungkol dito. Pero 5 years ago naisulat ko na ang essay ko tungkol dito. Kaya habang wala pa akong nakikitang mas nauna sa akin, aangkinin ko muna ito.

"Every problem is spatial in nature. Thus, our ultimate problem is space."