Wednesday, January 25, 2006

Paggunita II

Paggunita II

Ginugunita ko ngayon ang panahong iyon. Panahon ng pamumulaklak ng mga dapdap. Tuwing gabi iniilawan ng di ko mabilang na mga alitaptap ang puno ng dapdap. Panahong ayon sa mga haka ay nagsasaya ang mga nilalang na nananahan sa dapdap. Sa malaking puno ng dapdap. Malaking-malaki sapagkat hindi ito kayang yapusin ng apat katao.

Panahon iyon na malakas ang kapangyarihan ng mga tagbaya sa aking isip. Nararamdaman ko sila sa mga galaw ng paligid. Sa pag-ihip ng hangin. Sa Kaluskos ng kogonan. Sa alingayngay ng mga langkay. Sa lagaslas ng dalisay na kailugang minsang naging tahanan ng aking mga pangarap.

Ginugunita ko ang panahong iyon. Panahong pinili kong maglagalag sa nakakubling daigdig ng mga nilalang na hindi nakikita ng paningin kundi ng pang-unawa. Naririnig ko ang kanilang mga bulong sa hangin. Ang paanas nilang kwentuhan sa tuwing ako'y dumaraan sa kanilang mga tarangkahang bato. Ginugunita ko ang panahong iyon. Sapagkat iyon ang panahong isinilang ang maraming ako na tinatawag ko ngayong ako.

Panahon iyon ng mga paligsahan kung sino ang unang makakuha sa puting bato na inihahagis sa pinakamalalim na bahagi ng ilog. Kung sino ang pinakamagaling sa pagsisid ng kailaliman ng ilog. Kung sino ang pinakamagaling tumalon mula sa punong nakadungaw sa ilog. Panahon iyong ang lahat ay pakikipaglaro sa mga batang tagbayang umaapaw sa sigla ng kabataan. Ginugunita ko ang panahong iyon. Doon nagsimula ang serye ng maraming gunita. Ng mga alaala. Ng mga pangarap. Sapagkat sa bawat pagtampisaw sa dalisay na ilog, humuhugis sa mga labi ang galak na damang-dama. Simpleng kaligayahan na tumatagos sa ubod ng pagkanilalang. Iyon ay nangyayari sa iba't ibang pagkakataon habang umuusad ang sukat ng tangkad at timbang. Iyon ay nangyayari sa iba't ibang pagkakataong iba't ibang kababatang babae ang pinagmamasdang nagtatampisaw sa ilog. Sa ilog na nananatiling dalisay sa isip. Sa ilog na walang kamatayan sa aking isip. Sa ilog na humuhugot ng lakas sa sinapupunan ng kabundukang tahanan ng mga ihalas. Ng mga nilalang sa ilang. Ng hindi mabilang na mga tagbayang nabubuhay sa salimbibig na mga nanangen mula pa noong nagpasyang galugarin ito ng lipi ni buuy Agyu.

Habang lumilipas ang panahong iyon, unti-unting nagbabanyuhay ang lahat tungo sa pagiging alaala. Sa pagiging gunita. Habang lumilipas ang panahong iyon, lumilipas din silang lahat sa aking buhay. Silang mga naisama sa pangarap habang dinarama ang hiwaga ng ilog. Ang hindi maisalarawang ligayang hatid ng ilog.
Habang lumilipas ang panahon, isa-isa silang naglaho sa tanawin ng daigdig na iyon. Nawala na ang kanilang mga ngiti. Ang umaapaw na sigla habang naghaharutan sa ilog. Isa-isa, sunud-sunod silang naglaho sa daigdig na iyon. Silang mga pinagmamasdan ko noon habang masayang naglulunoy sa ilog. Sa dalisay na ilog. Sa ilog na hanggang ngayon ay mahiwaga pa rin sa aking isipan.

Ginugunita ko ang lahat na iyon. Ginugunita ko upang kahit sa alaala'y madamang muli ang hiwagang ilang taon na ring nais kong madama. Ang hiwagang unang nagmulat sa akin sa mga pangarap. Mga pangarap habang ang pinagmamasdan kong mga babae'y masayang-masayang nagtatampisaw sa hiwagang iyon.

Dumating sa panahong iyon ang yugtong unang nagmulat kung ano ang kawalan. Sapagkat dumating ang yugtong lahat sila'y naglaho sa daigdig na iyon. Sa yugto ng panahong iyon, ang lahat ay nagbabanyuhay sa katahimikan. Ang lagaslas ng ilog, ang galaw ng simoy, ang gaspang at kinis ng mga bato, luntiang pagyabong at ginintuang pangangalirang ng mga kogon, ang pagtayog at paglago ng mga puno, ang bughaw ng langit, ang puti at itim ng mga ulap, at mga wika sa sarili'y sumasanib lahat sa katahimikan. Sa katahimikang buhay na buhay sa aking isip.

Ginugunita ko ang lahat sa panahong iyon. Ang lahat na yugto sa panahong iyon. Iyon ang panahong malakas ang kapangyarihan ng mga tagbaya sa aking isip. Panahong binabalot ng hiwaga ang gabi. Hiwaga ng mga nanangen ni Nanay Siling. Hiwaga ng mga limbay ni Nanay Siling. Hiwaga ng mismong katauhan ni Nanay Siling. Oo, si Nanay Siling na hanggang ngayon ay hindi ko nalubos ang pagkilala. Sapagkat sa panahong iyon, walang puwang ang pag-alam sa mga hiwaga. Sapagkat sa panahong iyon sapat nang madama ang hiwaga. Sapagkat hindi iyon ang panahon ng pagtuklas. Sapagkat hindi natutuklasan ang hiwagang bumabalot sa gabi. Hindi natutuklasan ang hiwaga ng mga nanangen at mga limbay. Sapat nang marinig. Sapat nang marinig. Sapat nang marinig sa bawat gabing pabilog kaming nakikinig sa mga nanangen at mga limbay habang paandap-andap ang gasera.

Ginugunita ko ang lahat ngayon. Ngayong nararamdaman kong muli ang silig ng ilog sa aking dibdib. Dalisay na dalisay sa alaala. Sariwa. Malinaw na malinaw. Kitang-kita ang mga makukulay na mga tambilolo at mga angang palipat-lipat sa batuhan sa ilalim ng pusod ng ilog. Ang ilog na nalalasahan ko pa hanggang ngayon. Sapagkat walang kasintamis ang sabaw ng kaybad mula sa bagangbangan. Walang kasintamis. Walang kasingsarap ang kaybad. Ah! Nalalasahan ko ngayon ang ilog. Nararamdaman ko ang agos. Nararamdaman ko ang silig. Ang lakas. Ang dalisay na ilog. Sariwang-sariwa sa alaala. Buhay na buhay sa gunita. Mahiwaga. Hindi kailangang tuklasin ang hiwaga. sapagkat mas masarap itong namnamin sa bawat dapithapong tuluy-tuloy ang pagsaklang ng kape habang nagkukwentuhan. Mas masarap itong namnamin sa bawat bukang-liwayway na sinasalubong ng tuluy-tuloy na pagsaklang ng kape habang nagkukwentuhan. Sapagkat iyon ang mahalaga sa buhay. Ang madama ang hiwaga nito. Ang malasap ang bawat sandali.

Iyon ang panahong nagising ang libu-libong ako sa aking sarili. Sapagkat sa mga panahon ng pag-iisa, natutuklasan kong hindi ako nag-iisa. Ginugunita ko ang lahat na ito sapagkat matagal na panahong nakatulog ako. Nakatulog ang mga ako. At sa mga gunitang ito, nagigising silang lahat. Silang mga hitik ang isip sa pangarap. Silang mga sagana sa pangitain ang pananaw. Silang mga nakakarinig sa anasan ng mga tagbaya. Silang mga nakikipaghabulan sa mga batang tagbaya. Silang mga umaakyat-panaog sa mga puno. Silang mga hindi maubusan ng ngiti. Silang mga malalakas. Silang mga naghahangad ng lakas. Silang mga ako na nakatulog sa proseso ng domestikasyong ipinagkamaling edukasyon noon. Silang mga nakatulog sa nakakaantok na "siyensiyang" inilalako sa kuwadradong mga sulok na salat sa hiwaga't pang-unawa sa buhay.

Ah! Ginugunita ko ngayon ang panahong iyon. Sapagkat ngayon ang panahon ng paggising. Ito ang panahon ng pagbangon. Ngayon ang panahong kailangan ang hiwaga ng mga ilog. Ngayon ang panahong kailangan ang hiwaga ng kabundukan. Ngayon ang panahong kailangan ang kalinga ng mga dampa sa kanayunan. Ngayon ang panahong Kailangan ang hiwaga ng mga daang-kalabaw. Ngayon ang panahong kailangan ang lakas ng mga ilog, ang kalinga ng lupa, ang hiwaga ng dalisdis at gulod, ang daang inihahapag ng mga pilapil, ang pula ng mga dapithapon, ang hiwaga, ang hiwaga, ang hiwaga ng kalikasan, ng tao, ng daigdig, ng buhay! Ah! Ginugunita ko ang lahat ngayon.

Ang lahat ay nagbabanyuhay sa alaala, sa gunita, sa hiwaga. Habang umuusad ang sukat ng tangkad at timbang. Habang umaatras ang sukat ng tangkad at timbang. Hanggang sa mawalan ng panimbang. Hanggang sa kukunin ang sukat ng tangkad. At magbabanyuhay ang lahat sa alaala, sa gunita, sa hiwaga.

Ginugunita ko ngayon ang panahong iyon. Dinadama ang bawat hiwaga. Habang ang lahat ay nagbabanyuhay sa katahimikan. Sa katahimikang buhay na buhay sa aking alaala. Ginugunita ko ang panahong iyon. Ang panahong maraming panahon upang maggising ang libu-libong ako. Ginugunita ko ang panahong iyon. Ngayong ang panahon ay panahon ng paggising. Ngayong ang panahon ay panahon ng pagbangon.


Hadi ta aglipati sa kagpamatbat. Ta bul-og su mahius makalipat na hadi tagkatigayun. Bul-og su hura din hanaw ku inu sa kaula-ula hu mga laas su anay, na hura daan gayud maayad ha abin.

Hala, dasang kaw mga dadatuen! Dasang kaw mga apo hi Agyu! Dasang! Dasang! Dasang!

Dalisay ang ilog sa aking gunita. Sariwa ang hangin sa aking alaala. Sagana ang lupa sa aking isip.Panahon ngayon ng pagbangon. ###