Sunday, May 29, 2005

Ang kauna-unahang pagsabak sa blogging world

May blog na ako.

Ngayon ko lang naisakatuparan ang matagal ko ring pinagmunimunihang gawin. Hindi ko alam kung bakit pero napakaraming bagay ang naglalaro sa isip ko hinggil sa pagkakaroon ng blog. Pero sa wakas, nakapagdesisyon na ako. Mula sa araw na ito, hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang iba't ibang bagay na tumatalsik sa masalimuot na proseso ng aking abuhing utak.

Medyo malungkot ang tugtog ngayon na aking naririnig. Nostalgic. Parang ang sarap tumambay sa tabing-dagat. Dapithapon. Tahimik. At ang paglilikot ng ng mga alon ay nilalamon ng dambuhalang katahimikan. Nang katahimikang pati ang isip ay nilalamon sa walang hanggang katahimikan. Mahiwagang katahimikan.

Ikagagalak kong magsulat dito kong malalaman kong aabangan mo ang mga susunod kong hirit sa buhay. Sa mga pangyayari sa buhay. Sa kaganapan ng mga bagay bagay na bumubulabog sa katahimikan. Masarap magsulat kung may nagbabasa. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit matagal kong pinagmunimunihang magsulat dito. Parang wala kaseng kabuluhan ang magsulat ka kung wala namang magbabasa. Hindi ko naman pinangarap na ang tekstong ito ay magiging katulad ng hieroglyphic na magdudulot ng pagkamangha sa mga taong mabubuhay paglipas ng 1 bilyong taon.

Bukas, sisimulan ko nang magpost dito ng kung anu-ano. Maaring kwento siguro. O kaya maliliit na pagmumunimuni sa mga hiwaga ng buhay. Buhay. Dahil iyon ang pinamahalagang bagay sa mundo para sa akin.

1 Comments:

At 4:46 PM, Blogger vlad said...

naks, may blog!

 

Post a Comment

<< Home